Magandang araw po sa inyong lahat.
Isa pong hindi inaasahan na pangyayari ang dumating sa aking buhay bilang kasapi ng ating Asembliya. Sa gitna po ng ating pagpupulong ay ini-nomina ako at inihalal ng mga dumalo bilang ating susunond na Faithful Navigator (FN), na alam ko pong may kaakibat na seryosong responsibilidad sa ating samahan. Bagamat ako po ay kinakabahan sa mga inaasahan sa akin, ako po ay lubos na nagpapasalamat.
Una po ay nagpapasalamat ako sa ating Poong Maykapal na nagkaloob sa akin ng oportunidad na ito upang lalong makapaglingkod sa ating samahan at sa ating mga kinabibilangan na komunidad. Naniniwala po ako na ito po ay grasyang mula sa Kanya at hindi dahil sa aking sariling kakayanan. At dahil sa Kanya po nanggaling ang biyayang ito, alam ko po na hindi Niya ako pababayaan sa landas na akin ngayong tatahakin bilang inyong FN. At kung dumating man po sa punto na Kanya pong ipabatid sa akin na tapos na ang aking tungkulin sa posisyong ito, malugod ko po itong ipapasa sa ating susunod na pamunuan. Walang anumang bagay na mayroon tayo na hindi nanggaling sa Kanya.
Nais ko rin pong magpasalamat sa aking mga Brother Knights sa aming konseho (Council 11444). Sa nakalipas na halos isang taon na kami ay magkakasama sa aming pang-araw-araw na pagdarasal ng Santo Rosaryo at ilang mga gawain sa ating parokya, natutunan ko po ang ating mahalagang tungkulin sa Simbahan. Higit sa ating presensya bilang mga pinagpipitaganang mga Honor Guards ang tawag sa atin na maglingkod sa likod ng aktibong gawain ng parokya. At ito nga marahil ang pinakamahalaga na gawain sa ating Inang Simbahan: ang siguraduhin na naaabot natin at natutulungan ang mga kapatid at kasama nating nangangailangan.
Nagpapasalamat din po ako sa mga Sir Knights sa ating Asembliya, lalong-lalo na sa mga nagtiwala at nag-halal sa akin bilang FN. Alam ko po na marami pa akong kailangang matutunan at maunawaan bilang kasapi ng Knights of Columbus. At sinisigurado ko po sa inyo na ako ay mananatiling bukas na matuto habang aking ginagampanan ang aking tungkulin sa inyo. Nawa po ay inyong pagpasensyahan kung ako po ay magkakamali paminsan-minsan. At kung ako naman po ay maging mapagmalabis sa aking tungkulin, inaasahan ko po na ako ay inyong itatama para sa kapakanan ng ating samahan. Sana po ay patuloy ninyo akong samahan at gabayan sa aking paglilingkod sa inyo, sa ating samahan, at sa ating Simbahan. Ipagdasal po sana ninyo ako upang lagi akong maging mababang-loob at magampanan ang tungkuling naka-atang sa akin.
At huli ay nagpapasalamat po ako sa aking pamilya na patuloy sumusuporta sa aking paglilingkod. Mahirap man po ipaliwanag sa kanila ang dagsa ng ating mga gawain, hindi naman po sila nagkulang na ako ay paalalahanan na maging mabuti parati sa lahat. At alam ko po na sa likod ng aking mga tagumpay sa aking mga ginagawa ay ang kanilang walang sawang pananalangin para rito.
Muli ay maraming salamat po sa inyong lahat. Nawa ay patuloy po tayong pagpalain ng ating Poong Maykapal at gabayan ng ating Mahal na Ina at ni Blessed Michael McGivney na ating founder.
Vivat Jesus!